Agosto 30 – 31, 2018. Dalawang araw na binigyang kulay ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang baiting para ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Napuno ng makabuluhang tula, masasayang awit, sayaw, at pagsasalu-salo ng masasarap na mga pagkaing Pilipino.
Mula Preschool, hanggang Senior High School, may kanya-kanyang inihandang programa ang mga mag-aaral upang maipakita ang yaman ng wikang Pilipino. Ang mga Preschool na mag-aaral ay nagkaroon ng field demo upang maipakita ang makukulay na damit sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa. Sinundan ito ng mga palarong Pilipino sa ma silid-aralan. Ang mga estudyante ng Elementarya ay nagsuot din ng makukulay na kasuotang Pilipino, at naghanda ng masasarap na pagkaing Pilipino. Ang mga mag-aaral ng Junior at Senior High School naman ay nagsagawa ng programang may makukulay at masasayang sayawan, tugtugan, at pagmodelo ng mga magagarang Pilipinong kasuotan sa Hope Theater Hall.
Isang tula na isinulat ni G. Palma ang kumakatawan sa tema ng selebrasyon na nakasentro sa wikang Pilipino bilang gamit sa pagsasaliksik at pag-aaral sa modernong panahon.
Wikang Filipino, Wika ng Saliksik
ni G. Alfredo M. Palma Jr.
Nagsimula sa mga simbolong nakaukit sa Alibata.
Nagkatitik, nagkabuhay, at naging Abakada.
Di naglaon, naimpluwensyahan ng mga titik ng dayuhan.
Mahal kong abakada’y binago’t pinalitan, pilit na nakalimutan.
Sinong makapagsasabing ang maliit na isla’y makikilala?
Ang tamis ng kanyang wika’y nanunuot hanggang kaluluwa.
Buhat sa pananaliksik, mga bagong salita’y nakilala.
Ginamit sa Pilosopiya, Agham at pati na rin sa Matematika.
Subalit sadyang ganito ang hiwaga ng buhay.
Ang pagbabago’y bahagi ng isang paglalakbay.
Sariling wika’y naragdagan, yumabong at nagkakulay,
Kasabay ng bandilang itinataas at iwinawagayway!
Tunay ngang malayo na rin ang narating nitong wika natin.
Ginagamit na ito ngayon sa pambansang pananaliksik.
Sa Matematika man o sa Agham, o maging sa Katutubo man
May katapat na salin-wika sa iba’t ibang larangan man.
Di ba’t kamakailan lamang ay itinanghal na natatangi,
Ang apatnapung salitang kinilala ng Oxford Dictionary,
Balikbayan, gimik, sari-sari store at marami pang iba.
Patunay lamang na ang wikang Filipino ay dinarakila!
Gamitin natin ang pananaliksik sa pagtuklas ng katotohanan.
Palaganapin natin ang pananaliksik sa pagwawasto ng kamalian.
Tangkilikin natin ang sariling wika bilang instrumento ng pananaliksik.
Gamitin natin ang ating karunungan tungo sa epektibong pananaliksik.
Mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng sariling wika.
Mapalad ang mga Filipino sa pagkakaroon ng isang komisyon,
Na nangangalaga at nagpapaunlad sa ating sariling wika…
Ang wikang Filipino, wikang pinagpala ng Maykapal!