Buwan ng Wika 2025: “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”

Buwan ng Wika 2025: “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”

Noong Ika-29 ng Agosto, 2025 muling nagningning ang diwa ng pagkakaisa at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng makulay at makabuluhang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Masigasig na nakiisa at sinuportahan ng bawat departamento ng Internasyunal na paaralang Hope Christian High School ang pagdiriwang sa pamamagitan ng mga gawain, palatuntunan, at patimpalak na nagpamalas ng pagkilala sa ating wika, kultura, at kasaysayan mula sa pagsusuot ng pamutong, makulay na parada ng mga Katutubong kasuotan, masiglang pakikilahok sa mga larong Pinoy, masayang salu-salo, at masining na pagtatanghal ng wika’t kultura.

Sa Departamento ng Preschool at IB Primary Years Program mula Baitang 1-2, naganap ang pagpapakita ng talento sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t ibang katutubong awit mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Hindi rin nagpahuli ang mga mag-aaral sa pagpapakita ng mga maka-Pilipinong kasuotan sa pamamagitan ng isang makulay na parada na nagpakita ng kanilang pagmamalaki sa bansang Pilipinas.

Nakapagbigay rin ng aliw at kasiyahan ang munting laro ng lahi na nagbigay ng masayang karanasan sa mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng tumbang preso, bulong pari, at jack en poy, naranasan ng mga mag-aaral ang mga larong Pinoy na unti-unti mang nawawala sa kultura ng mga Pilipino ngunit hindi pa rin maikakaila na ito ay bahagi pa rin ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Sa IB Primary Years Program Baitang 3-5 naman, ipinamalas ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng tatlong palatuntunan. Sinimulan ang kabuuang programa sa pamamagitan ng isang parada, ipinakilala ng mga mag-aaral ang kanilang mga “headdress” na nagpapakita ng iba’t ibang elemento ng Pilipino. Ginanap ang pagdiriwang wika’t kultura sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga tula na nakasalin sa mga rehiyunal na wika. Ang bawat pangkat sa bawat baitang ay ipinamalas ang kasanayan sa pagbigkas ng tula at paggamit ng iba’t ibang ekspresyon.

Sa ikalawang palatuntunan naman sa elementarya ay ipinakita ang pagdiriwang ng kultura at pagkakakilanlang Pilipino sa pamamagitan ng mga tradisyunal na laro mula sa iba’t ibang rehiyon.  Kanya-kanyang pili ang mga mag-aaral ng mga tradisyunal na laro na kanilang sinalihan. Masaya at makulay ang naging palatuntunan, naging mabunga at makabuluhan ito dahil nakilala at naisapraktika ng mga mag-aaral ang pagdiriwang ng wika, kultura at pagkakakilanlang Pilipino.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng buwan ng wika sa departamento, isinabuhay ang salo-salong Pilipino, kanya-kanyang nagdala ng mga pagkaing Pilipino ang mga mag-aaral at ibinahagi ito sa kapwa kamag-aral. Samu’t sari ang naging emosyon at reaksyon ngunit namukod tangi ang pagkamangha ng mga mag-aaral dahil sa mayamang kultura ng mga Pilipino pagdating sa pagkain.

Samantalang sa IB Middle Years Program Baitang 1-5, masigasig na nagtanghal ng iba’t ibang palatuntunan ang bawat baitang at seksyon batay sa wikang kanilang napili. Naipakita ng mga mag-aaral ang yaman ng wika sa pamamagitan ng paglalahad ng mga karaniwang bati, bokabularyo, at maging kasaysayan ng pag-unlad ng wika. Kaugnay nito ay ang pagtatanghal ng bahagi ng kultura tulad ng likhang-sining, awitin, musika, sayaw at kabilang na rin ang lipunang kinabibilangan ng wikang napili na lalong nagpapatibay sa isang komunidad upang mamuhay hanggang sa ngayon.

May mga nagtanghal ng sayaw at pag-awit na labis na nakaaliw at nakapagbigay-buhay sa kulturang minsan nang nawawala dulot ng pagbabago ng panahon. May mga nagpakita ng iba’t ibang sining na orihinal na sa wikang napili. Dagdag pa rito ang kasaysayan ng lipunan at mga kilalang indibidwal na bihasa o ang unang wika ay ang lengwaheng kanilang ibinahagi.

Sa huli, ang pagpapakita at pagpapatikim ng mga pagkaing kilala sa wikang napili ang lalong nagbigay-kulay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa departamento, na kung saan ay nakilala ang iba’t ibang kilalang putahe at pagkain sa wikang itinanghal nito, maging ang pagbuo ng pangalan o katawagan dito. Nakamamangha na hindi lamang mayaman sa wika ang mga wikain sa Pilipinas, bagkus ay sa larangan din ng pagbuo ng kultura upang magkaroon ng iisang lipunan.

Hindi naman nagpahuli ang Departamento ng Senior High at IB Diploma Program dahil sa kakaiba at natatangi ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025. Bagama’t may mga tradisyunal na paligsahan katulad ng Pagsulat ng Sanaysay at Paggawa ng Dokyu Bidyo, binigyang-halaga ng departamento ang pagdaraos ng isang “Salu-Salo” na nilahukan ng buong SHS maging ng mga guro. Nilalayon ng naturang salu-salo na pag-isahin ang buong departamento sa pamamagitan ng sabay-sabay na pagkain ng pananghalian na ang lahat ng mga mag-aaral at mga guro ay nakilahok. Sa ganitong gawain, mararanasan ng mga mag-aaral ang pagkakaisa sa kabila ng kaabalahan sa pag-aaral. Maituturing na simple bagama’t makabuluhan ang gawaing ito sapagkat sa unang pagkakataon  naranasan ng mga mag-aaral na napakasarap ang magbigay at mag-ukol ng espesyal na sandali katulad ng tawanan at kwentuhan. Nakilahok rin sa naturang pagdiriwang ang punong-guro at pangalawang punong-guro na nagpadagdag ng kulay sa pagdiriwang sapagkat nakasalamuha sila ng mga mag-aaral.

Sa kabuuan, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay hindi lamang isang programa, ito ay isang paglalakbay. Sa pamamagitan ng suporta ng administrasyon, pangunguna ng mga tagapag-ugnay, ang mga guro sa Filipino, gabay ng bawat tagapayo at mga guro, pakikiisa ng mga magulang, mga mag-aaral at kabuuang komunidad ng Hope Christian High School, matagumpay na naipakita ang pagkakaisa at pagkilala sa wikang Filipino at mga Katutubong Wika sang-ayon sa tema ng pagdiriwang ngayong taong panuruan 2025-2026. Tunay ngang masasabi ng bawat isa ang linyang “Ako ay Pilipino. Iba-iba man tayo, iisa ang puso natin para sa wika at kultura!” Mabuhay ang bansang nagkakaisa at malaya, ang bansang Pilipinas!

#HopeChristianHighSchool #DevelopingLeadersforGodandMan #LifelongLearners #HCHS #IB #IBWorldSchool #BuwanngWika #BuwanNgWika2025 #MakasaysayanSaPagkakaisaNgBansa #TGBTG #ToGodBeTheGlory